Make your own free website on Tripod.com

PALENGKE, Ang Mga Pamilihan sa Maynila Noong Ika-19 na Siglo - Isang Paglalarawan

Ang Papel na ito ay isinumite noong Mayo 2004 para sa ikakakumpleto ng mga kinakailangan sa Kasaysayan 250. ito ay pinalawak na bersyon ng papel na isinumite sa kasaysayan 110 na isinumite noong Abril 2004.

RESEARCH PAPERS

PANIMULA

Nakasumpong na ba kayo ng isang pamayanang walang palengke? Karaniwan nating matatagpuan  ang palengke na nasa poblasyon  ng isang lalawigan  o sa mga sentro ng pagnenegyo  ng isang lungsod. Dito natin makikita ang iba’t-ibang uri ng tao- bata, matanda, mahirap o mayaman, kahit sino pumupunta rito. Kung ang iba ay pwedeng ipagpaliban ang pagpunta sa simbahan o mamasyal sa plaza o malls, masasabing ang pagtungo sa palengke ay hindi maaring makalimutan dahil dito kinukuha ang pangaraw-araw na pangangailangan sa pagkain.

Pag-aaralan ng mananaliksik ang mga pamilihan sa Maynila noong ika-19 na siglo bilang salamin o palatandaan sa mga pagbabago sa daloy ng komersyo sa panahong nabanggit.
Sa pamamagitan ng pagbabalik-tanaw sa dahon ng kasaysayan, susuriin ng mananaliksik kung anu-ano ang mga produktong tinitinda sa pamilihan, kung saan ito nanggaling, mga paraan sa pagbibiyahe nito, mga sistema sa pagtitimbang at sukatan;at  halaga ng bilihin.


METODOLOHIYA

Hindi magiging possible ang papel na ito kung walang mapagkukunang mga batis tungkol sa paksa. Ang mananaliksik ay may mga paraang ginamit sa pagkalap ng mga datos.

Gumamit ang mananaliksik ng mga pangunahing batis at aklat. Halimbawa nito ay ang mga sumusunod: mga dokumento, mga tala sa paglalakbay nina Robert MacMicking, Charles Wilkes, Fodor Jagor, Gillaume Joseph Hyacinthe Jean Baptiste Le Gentil de La Gelaisiere at iba pa.; Gaceta de Manila, Census of the Philippine Islands (1903); The Philippine Islands; at iba pa.
Sa pagkalap ng mga kinakailangang mga batis, nagtungo ang mananaliksik sa mga sumusunod na aklatan at tanggapan: Pambansang Sinupan (National Archives), Pampublikong Aklatan ng Maynila, Ang Pambansang Aklatan, Aklatan ng Unibersidad ng Pilipinas – Diliman, at ang Aklatan ng Kolehiyo ng Sining at Agham, Unibersidad ng Pilipinas- Maynila.


MGA PAMILIHAN SA MAYNILA

Sa kasalukuyan, may labinganim na pamilihang bayan sa Maynila, kabilang na ang apat na makasaysayang mga pamilihan– ang Divisoria na nasa Binondo, Aranque sa Calle Azcarraga (na ngayo’y Claro M. Recto Avenue), ang Pamilihang Bayan ng Quinta na malapit sa Fuente de Colgante (na ngayo’y Quezon Bridge), at ang Mercado de Herran (Paco Market) na nasa Calle Herran (Na kilala ngayon bilang Pedro Gil Avenue). Ang iba pang kilalang pamilihang bayan sa Maynila ay ang mga sumusunod: Sta Ana Market, Trabajo, Dagonoy, Pritil, Sampaloc, San Andres, at ang Central Market.

ANO NGA BA ANG PALENGKE?

Ang pampublikong pamilihan ay hindi lamang bukas para sa lahat ng mamimili, ngunit pati rin sa mga nagbibili ng kanilang mga kalakal, sa puwestong inilaan sa kanila na may kaukulang renta o buwis.

ANG MGA PAMILIHAN BAGO ANG IKA- 19 NA SIGLO


Ang Mga Pamilihan Bago Dumating ang mga Kastila
Ayon sa mga tala ni Chao Ju-kua, ang mga pamilihan noong panahon ng mga sinaunang mga pamayanan ay karaniwang matatagpuan sa mga tabing-dagat o ilog ng kapuluan. Sa mga Lugar ng mga Mandarino pansamantalang tumitigil at umaangkla ang mga mangangalakal na Tsino.Sa lugar ring ito, sila ay nakikipagkalakalan sa mga katutubo sa pamamagitan ng barter, ginto o kampanang bakal. Ayon sa obserbasyon ni Morga: 


Ang kanilang nakaugaliang paraan sa pangangalkakal ang pagba-barter ng isang bagay sa iba pa , tulad ng pagkain, damit, hayop, manok, lupain, bahay, bukirin, alipin, palaisdaan, at puno ng palma. Minsan ginagamit din ang ginto at kampanang bakal na galing Tsina bilang paraan sa pagpapalitan ng kalakal.


Sa kabilang dako, ipinagbibili naman ng mga katutubong mangangalakal ang mga napamiling kalakal sa iba pang mga pulo.
Ang pampang ng Look ng Maynila at Ilog Pasig ang nagsilbing pamilihan ng mga sinaunang pamayanan sa Maynila. Kapansin-pansin na matatagpuan ngayon ang mga pamayanan ng mga Tsino, ang Chinatown, na malapit sa tabing-ilog ng Pasig.

PANAHON NG MGA KASTILA

Mga Paghihigpit sa Kalakalan.


Nang dumating ang mga Kastila sa bansa ang ugnayang pangkalakalan sa mga bayan-bayan ay ipinasailalim sa patakaran ng una na palaganapin ang Kristiyanismo. Ayon kay Morga, ang mga katutubo ay hindi pinahihintulutang umalis ng kanilang pamayanan para makipagkalakalan kung walang pahintulot ng gobernador o ng alcalde-mayor:
Sa isang kautusang ipinalabas ng Real Audencia noong 1599, tinakda ng pamahalaan ang halaga ng mga manok: dumalaga, inahin, tandang, at capon.;  baboy; at  isda

TALAAN BLG. 1
Halaga ng Manok na Tinakda ng Real Audencia
(sa real)

Nangingitlog na Manok (Sangley) 2 ½
Inahing Manok (Moro)                               2
Tandang 1
Dumalaga 1 ½
Capon 3 ½


Noong 1598, nagpalabas ang Real Audencia ng patakaran ng sapilitang pag-aalaga ng manok sa mga bayang nakapalibot sa Maynila [Tondo, Pampanga, Bulacan, Laguna, Mindoro, Balayan (Batangas) para suplayan ang Maynila ng mga kinakailangan nitong karne ng manok.
Ipinag-utos din ng pamahalaan ang pagbabawal sa mga hucksters o middlemen na makialam sa kalakalang panloob upang maiwasan ang kaguluhan at pagtaas ng halaga ng bilihin sa mga pamilihan sa Maynila.  Sa naturang kautusan, tanging ang mga magsasaka lamang ang maaring makapagbili ng kanilang mga kalakal sa mga pamilihan.

Noong 1768,ng kautusan ang pamahalaan at ilan sa mga probisyon nito ay may kaugnayan sa panloob na kalakalan at pangkabuhayan ng mga Indios: 

1. Ang sinumang katutubo na hindi magtanim sa kanyang lupa sa loob ng dalawang taon ay kukunin ito sa kanya at ito ay ipagbibili sa mataas na halaga sa iba.

2. Obligasyon ng bawat Indios na mag-alaga ng anim na inahin at isang tandang, at labimdalawang inahin at isang tandang naman sa bawat Sangley (Tsino).


3. Ipinagbabawal sa mga Tsino, maliban sa mga naging Kristiyano  o mga nakapag-asawa ng Indio, na manirahan sa mga pamayanan ng mga Indio.Ang mga Sangley ay maari pa ring makipagkalakalan sa Tondo, Bulacan, Pampanga, Laguna de Bay at sa pantalan ng Cavite, ngunit kinakailangan nilang kumuha ng lisensya sa pamahalaan.

4. Ang komersyo ay dapat maging bukas sa lahat ng mga Indios at hindi na nila kinakailangan pang kumuha ng anumang lisensiya o kaya ay magbayad ng anuman. Ito ay upang masiguro ang magandang suplay ng pagkain at hikayatin ang  mga Indios na magtanim. Tinitiyak rin ng kautusan ang pagtrato sa kanila ng maganda at malayang paglalakbay. Ang sinumang lumabag sa kautusan ay papatawan ng multang 100 piso.

5. Ang lahat ng mga timbangan at sukatan, malaki man o maliit, ay dapat magkakatulad sa mga ginagamit sa Maynila. Kailangan ding ito ay naselyuhan at namarkahan sa naturang lungsod.

Sa loob ng mahabang panahon, mula ng dumating ang mga Kastila hanggang sa pagpasok ng ika-19 na siglo, ang mga patakarang nabanggit ang siyang umiiral sa bansa.


ANG MGA PAMILIHAN SA MAYNILA NOONG IKA-19 NA SIGLO

Ang Ika-19 na Siglo


Maraming pagbabago ang naganap sa daigdig sa pagpasok ng ika-19 na siglo, lumaganap ang mga kaisipang liberal nina Locke, Rousseau, at iba pang mga pilosopo matapos ang matagumpay na Himagsikan sa Pransya noong 1789. Sa mga kolonya ng Espanya, nakarating din ang mga kaisipang yaon at ito’y nagbunga ng mga himagsikan upang palayain ang kanilang mga bansa sa pagkakasakop. Nanguna rito ang Mexico sa pinamunuan ni Miguel Hidalgo, na sinundan naman ng Gran Colombia sa pamumuno ni Simon Bolivar, at nagwakas ito sa Pilipinas noong 1896 sa himagsikang pinamunuan ni Andres Bonifacio.

Sa larangan ng pangkabuhayan, iwinaksi na ng mga bansang Europeo ang sistemang merkantilismo at sa halip ay niyakap nila ang sistemang malayang kalakalan o free trade. Sa siglo ring ito Upang makasabay sa agos ng pagbabago, binuksan ng pamahalaang Espanya ang mga pantalan ng Pilipinas sa pandaigdigang kalakalan.  Unang binuksan ang pantalan ng Maynila noong 1834.  Sinundan pa ito ng pagbubukas ng iba pang pantalan: Sual (Pangasinan), Ilo-Ilo, at Zamboanga noong Setyembre 29,1855; at Cebu noong Hulyo 30, 1860.

Sa pagbubukas ng mga pantalan, hinimok ng pamahalaan ang pagtatanim ng mga cash crops – tulad ng asukal, tabako, niyog (para gawing copra), abaka, indigo, kape, atbp.- na may malaking merkado sa ibang bansa. Samantala, maraming mga tao, karamihan ay mga mestizos, ang umiwan sa kanilang mga negosyo sa pagkakalakal ng mga manufactured goods sa Maynila dahil sa matinding kompetisyon sa mga Tsino. Sa halip, sila ay namuhunan sa mga plantasyon at hacienda. 
Sa kabilang dako, atin naming tignan ang mga pagbabago sa mga pamilihan sa Maynila noong ika-19 na siglo.

Mga Patakarang Ipinatutupad sa Mga Pampublikong Pamilihan sa Kamaynilaan

Noong ika 21 ng Nobyembre 1861, pinagtibay ng pamahalaang lokal ng Maynila na pinagtibay naman ng isang Superior Decreto noong ika-3 ng Enero 1862 ang isang patakaran na ipapatupad sa mga pampublikong pamilihan sa lalawigan ng Maynila.  Sinasakalaw ng nasabing kautusan ang halaga at paraan ng pag-upa ng pwesto sa mga pamilihang pampubliko, pangungulekta ng buwis, nararapat na kondisyon ng palengke, ugnayan ng kontratista at ng pamahalaan at mga paraang administratibo upang matugunan ang mga kwestyong legal hinggil sa mga kontrata.

1. Ang halaga ng upa sa mga pampublikong pamiulihan ay itinakda sa 25.710 escudos sa loob ng tatlong taon o taunang bayad na 8570 escudos.

2. Dapat tulungan at galangin ng mga awtoridad ng lalawigan, gobernadorcillos at mga ministro ng katarungan ng bawat pueblo ang mga ascentista, bilang kinatawan ng pamahalaan, para sa epektibong pangungulekta ng buwis 

3. Hindi maaring paupahan ang anumang tindahan o tampico kung yaon ay hindi pagmamay-ari ng magpapaupa, maliban sa ascentista, o kung ito naman ay pagmamay-ari ng isang korporasyon o confrandia.

4. Pagbabawal sa pagbibili ng anumang bagay sa mga kalye. Sa mga plaza, pamilihan at mga parages lamang na itinalaga ng hepe ng lalawigan maaring magbili ng kalakal. Sa mga pamilihan, obligasyon ng kontratista na panatilihing kumbinyente ito sa mga manininda at mamimili sa pamamagitan ng pagtiyak na ito ay nasisilungan sa sikat ng araw o sa buhos ng ulan.

5. Ang sahig ng bawat pamilihan ay dapat yari sa konkreto upang maibsan ang pagpuputik sa loob tuwing umuulan.




Mga Pamilihan sa Maynila



Dalawang palengke ang matunog sa mga mamimili noong ika-19 na siglo: ang Divisoria at ang Quinta. Paboritong puntahan ng mga Kastila at mga nakakataas sa lipunan ang Divisoria dahil sa maraming maaring mabili rito: mga alahas, muebles, sapatos, magagarang damit sa bantog na Calle Escolta, mga masasarap na kainan sa Calle Rosario  at Calle Ongpin. Paborito rin itong puntahan ng mga tindero’tindera ng mga palengke sa ibang lugar dahil dito nila kinukuha ang kanilang mga kalakal na kanilang ititinda. Ang Divisoria noon, maging magpasahanggang- ngayon, ay ang bagasakan ng mga kalakal mula sa iba’tbang lalawigan at mga bansa (kung ating titignan ang lokasyon ng Divisoria, ito ay malapit lamang sa pantalan ng Maynila).

Ang Palengke ng Divisoria

Ang Divisoria na ang ibig sabihin ay naghihiwalay na linya, ay matatagpuan sa noo’y mga distrito ng Binondo at San Nicolas. Ang palengke ay nagsimula sa mga malilit na tindahan sa mga kalye. Isinalarawan ni Visitacion dela Torre ang palengke ng Divisoria sa kanyang akdang, Landmarks of Manila 1571-1930:

“Ang Divisoria ay isang palengke ng ng mga palengke. Ang Divisoria ay nagsimula lamang sa isang kalasada na hindi nagtagal at naging sentro ng pagnenegosyo sa Maynila. Ang bawat kalsada ay nakila sa partikular na produktong itinitinda nito.

Ang San Nicolas ay minsang naging bagsakan ng komersyo noong panahon ng kalakalang galyon, na namayani ng mahigit na dalawa at kalahating (2 ½) siglo. Ang pagnenegosyo ay umunlad sa maliit na alcayceria de San Fernando na itinatag noong 1582 na lumago noong ika-18 na siglo. Ang palengke ay inilarawan na nagtataglay ng bukas na edipisyo na may octagonal na hugis at pinaliligiran ng “roof-supported shafts. Sa paglipas ng panahon, ang San Nicolas ay nagmukhang bayan ng mga Kastila sa pagkakaroon ng mga bahay na bato na tinitirhan ng mga Tsino at bandang huli ay pinamayanan na rin ng mga Filipino.”



Ang pamilihan (alcayseria) ng San Fernando sa simula ay nagsilbi lamang bilang pabilyon kung saan maaring makipagkalakalan ang mga Tsino na hindi na kinakailangan pang pumasok pa ng Maynila o makipag-ugnayan sa mga Indios. Ngunit sa pagdaan ng panahon umunlad ang pagnenegosyo sa lugar na ito na nagresulta sa pangangailangan ng isang mas malaki at permanenteng paglulugaran ng pamilihan. Sa ilalim ng pangangasiwa ni Gobernador-Heneral Arandia at sa tulong ng isang magaling na arkitektong Rekoleto, ipinatayo ang isang permanenteng istrakturang pampamilihan sa Binondo. Kalahati sa ginastos sa pagpapatayo ng pamilihan ay ginugulan ng isang Kastilang nagngangalang Fernando de Mier y Noriega at ang natitira pang kalahati ay nagmula naman sa Tesorería Royal.

Noong ika – 11 ng Hunyo 1886 at noong ika-20 ng Marso 1896, ay pinaayos ang gusaling pampamilihan ng Divisoria. Ang huli ay ginugulan ng halagang $ 5,850.55 (Tignan ang Apendise). Sinasaad sa kontrata ang pagsasaayos ng kisame, mga bubong at haligi ng pamilihan. Binibigyan ng halaga rito ang kalidad ng materyales na gagamitin, gaya ng caña ng Luyong, at mga kahoy na gawa sa yakal at dinagon. Tatagal lamang ang pagkukumpuni sa loob ng pitumpung araw.
Noong Enero 20, 1901, sa ilalim na ng ng mga Amerikano, ipinatayo ang permanenteng  gusali ng palengke ng Divisoria at ito ay natapos noong Nobyembre 1, 1901 na ginugulan ng mahigit P 155, 469.50.


Ang mga Mabibili sa Binondo

Isinalarawan naman ni Robert MacMicking sa kanyang mga tala ang maaring mabili sa Binondo:
Ang mga kalye ng Escolta at Rosario, sa [hilagang] bahagi ng ilog [Pasig] na itinayo ng walang pagpapahalaga sa kaayusan at hindi maganda ay katatagpuan ng mga tindahan ng mga Tsino.Bagama’t maliit at bukod na lugar, ito ay pinamumugaran naman ng mga mangangalakal na nagbibili ng mga produkto na galing Manchester, Glasgow, Birmingham at iba pang galing sa Europa. May mga tindahan ring nagtitinda ng mga magagandang tela tulad ng piña, husi at iba pang katutubong produktong Pilipino.


Ayon rin sa kanya, halos kontarolado na ng mga Tsino ang lahat ng uri ng pagnenegosyo sa Binondo maliban sa iilang mga mestizos at Kastila na nagtitiyaga sa maliit na tubo o kita. Ang mga Tsino ay kilala sa pagbibili ng kanilang mga produkto sa mababang halaga.
Sa kabilang dako, ang palengke naman ng Quinta o country house, ay matatagpuan naman sa Quiapo, malapit sa basilica ng Poong Nazareno. Ito ay nasa tabi lamang ng pampang ng Ilog Pasig at ng Fuente de Colgante.


Mga Mabibili sa Palengke at ang  Pinanggagalingan Nito

Gaya ng ibang palengke, karamihan sa mga ibinibili sa mga palengke ng Maynila ay mga pagkain- isda, karne, gulay, at bigas. Ayon sa mga tala ni MacMicking, ang palengke raw ng Santa Cruz,  mula ika-anim hanggang ika-walo ng umaga at gabi, ay kakitaan ng maraming tao  na namimili ng kanilang pangangailangan sa bahay at iba pang bagay.  Ang isda ang pangunahing pagkaing mabenta dahil ito ang paboritong kainin ng mga Indios at maging ng mga Kastila. Bukod pa sa paborito ito ng mga mamimili, ito rin ang pinakasariwa dahil ito ay hinuhuli lamang sa katabing-ilog, ang Pasig, kung hindi man ay sa kalapit na Look ng Maynila (Manila Bay). Ayon pa sa paglalarawan ni MacMicking:

Ang palengke ay nagbibili ng lahat ng uri ng isda na hinuhuli pa sa Ilog ng Pasig at sa Look ng Maynila. Ang mga isdang mabibili rito ay masasarap. Ang mga mangingisda ng pamayanan ay ang pangunahing nagsusuplay ng mga isda. Ang mga malilit na isdang nahuhuli sa ilog ay kasing-lasa ng isang white-bait. Marami rin ibinibili na hipon sa palengke. Pagkatapos umulan, mabili rin ang mga palakang nahuhuli sa gilid ng pilapil [ng Intramuros] dahil sa ito’y matataba at sa malambot na laman nito.


Maliban sa isda, mabili rin ang mga karne ng baka at baboy dahil sa murang halaga nito– na maaring mabili sa araw-araw maliban lang sa Biyernes- kung saan ang mga karneng yaon ay nilalaan sa pangngailangan ng mga inbalido.  Ang mga karne ng baboy ay hindi mabili sa mga Europeo, bagkus ay pinandidirihan nila itong kainin dahil sa hindi kaaya-ayang pag-aalaga dito ng mga Indios: hinhayaan nilang pagala-gala ang mga alagang baboy sa mga kalye at masusumpungang namamasura sa mga daan. Bagama’t hindi ito gusto ng mga Europeo, ito naman ay paborito ng mga Tsino at maging ng mga Filipino.

Ang mga manok at pato ay mabibili ng buhay sa mga palengke, hindi tulad ngayon na puro dressed chicken o nakakatay na ang mabibili. Paborito itong bilhin ng mga mamimili lalo na tuwing  sa araw ng Linggo  para gawing itong ulam na tinola.Ang mga karaniwang patong mabibili ay yaong mga dinala rito mula sa Mexico na kilala sa tawag na Manila duck.
Ang bigas naman ay mabibili sa mga bazaar, kung saan mabibili rin ang iba’t-ibang uri ng mga  prutas, tulad ng manga, pinya, melon, pipino, lansones, kaymito, kalamansi at iba pa. Ang mga prutas na yaon ay kalimitang nanggagaling sa mga lalawigan ng Kabite, Laguna, Morong at sa mga kalapit-bayan ng Maynila

Malaki rin ang pagbabagong idinulot ng pagbubukas ng Maynila sa pandaigdigang kalakalan sa mga kalakal na ipinagbibili sa mga palengke at sa panlasa ng mga Filipino. Maraming mga dayuhang produkto na ang maaring mabili sa mga pamilihan; tulad ng mansanas,  ubas, peras at kahel (na galing Tsina), mga patatas (na galing Australya at Tsina), sago (galing Borneo), cochineal (galing Java, Netherlands East Indies), at mga pinggan na galing Tsina.
Maliban sa mga palengke, may kalakalang nagaganap din sa mga kalsada, tulad sa panahong ngayon na madalas nating masumpungan ang mga nagtitinda sa mga bangketa at mga naglalako ng kanilang panindang samalamig, fishball, kikiam, at iba pa. Ayon kay Alfred Marche, sa pagsikat pa lang ng araw ay masusumpungan na sa mga kalsada ang mga lecheras o manlalako ng gatas, mga zacateros, mga manggugupit na Tsino, at mga sorbetero.

HALAGA NG BILIHIN SA MAYNILA, 1846
(sa Piastre)


Produkto Yunit Halaga
Bigas  Kilo  0.35
Dalag Kilo  0.50
Sugpo Kilo 0.30
Karne ng Baka Kilo   0.70
Karne ng Baboy Kilo   0.90
Alak na Val de Peñas Isang bote   1.00
Itlog ng Pugo Isang dosena    1.50
Patatas Isang dosena    0.16
Kamatis Isang dosena    0.23
Uling Isang kariton    6.55
Chorizo -        0.45
PINAGKUNAN; Jean Mallat. The Philippines: History, Geography, Customs, Agriculture, Industry and Commerce of the Spanish Colonies in Oceania, p. 114-115



Sa mga mabilis na pagbabagong naganap noong ika-19 na siglo at ang pag-unlad na dulot nito, lumago ang populasyon ng Maynila noong panahong yaon


Ang Mga Pagkain sa Maynila

Ayon kay Le Gentil de Gelasiere, mabibili ang karne ng baboy sa napakamurang halaga at marami ang kumakain nito sa Maynila. Maraming putahe ng ulam ang nagagawa at iba’t-ibang sawsawan na nilalagay sa karneng ito. Ang taba naman ng baboy ang ginagamit sa paggigisa sa iba’t-ibang lutiin dahil sa walang mabibilhang mantekilya noon. Bihira namang gamitin ang alak sa pagluluto dahil sa kamahalan ng halaga nito.

Ang karaniwang pagkain sa Maynila ay inuuna muna ang paghigaop ng sabaw (pero madalas na wala ito sa hapag-kainan), susunod ay pagkain, na ayon kay Gelasiere ay mahinang uri, ng karne. Sa mga pamilyang nakakaluwag ay mayroon naman silang beef o pork stew o pata ng baboy sa kanilang mga hapag. Kapag may mga panauhing dayuhan ay naghahanda naman sila ng mga alak at tubig. Sa panghimagas ay mayroon namang mga prutas at preserve na nasa platito. Pagkatapos kumain, sila ay magdadasal ng pasasalamat sa mga biyayang natanggap,aalisin naman ng katulong ang mantel ng mesa at aalukin naman ang panauhin ng toothpick at tabako.


Pagbibiyahe ng mga Kalakal

May dalawang paraan ang pagbibiyahe ng produkto patungong Maynila noong panahong yaon. Una, sa pamamagitan ng sasakyang panlupa at pangalawa, ay sa pantubig. May ilan-ilan naman na nagluluwas ng kanilang produkto sa pamamagitan ng paglalakad lamang.

Mga Sasakyang Panlupa. Bago ang ika-19 na siglo, ang kadalasang sinasakyan ng mga tao para iluwas ang kanilang mga kalakal ay ang mabagal na karitela na hila-hila ng kalabaw. Ngunit sa pagdaan ng panahon, ipinakilala na rin ng mga Kastila ang mga sasakyang hila-hila ng kabayo, na higit na mas mabilis kaysa sa karitela. Ang mga sasakyang ito ay ang mga sumusunod: carromatas, carruajes, at calesa. Isinalarawan ni Alfred Marche ang bikas ng carromatas at calesa sa mga sumusunod na tala:

Ang kalesa ay isang klase ng cabrioleta na natatalukban ng trapal na mababa sa harap para protektahan ang mga pasahero sa init ng araw. Ang bata o tsuper ay nakaupo sa maliit na upuan sa likod at ang kanyang mga paa ay nakapahinga sa bakal ng kalesa.

Ang carromata, na walang katulad sa mga sasakyan sa Europa, ay nagaganyakan ng balat o katad o kurtinang tela na naglalayong protektahan ang mga pasahero sa sikat ng araw o pagkabasa ng ulan. May mababang upuan sa likurang bahagi kung saan umuupo ang mga pasahero na madaling nakakapagpahinga. May upuan ang tsuper pero madalas ay umuupo siya sa sa bakal o kawayang nasa harapan na malapit sa mahinang kabayo na tumatanggap ng mas maraming hagupit kaysa pagkain.

Lalong napagaan ang pagbibiyahe ng mga mamimili sa palengke ng inagurahan noong 1888 ang tranvia (sasakyang pang-masa na hila-hila ng kabayo). Ang tranvia ay pinatatakbo ng isang pampribadong kumpanya, ang Compania de Tranvias de Filipinas. Ngunit ang pinakamalaking pagbabago at nagpabilis  sa pagbibiyahe ng produkto patungong Maynila ay naganap noong Marso 24, 1891 ng buksan na ang Manila-Dagupan Railway. Binabagtas ng naturang riles ang mga lalawigan ng Pangasinan, Pampanga, Bulacan, Morong, hanggang sa Istasyon ng Tutuban sa Maynila- na may ilang metro lamang ang layo sa mga pamilihan ng Divisoria at Aranque.
Sa kabilang dako, magaganda naman ang lagay ng mga kalsada sa Maynila noong panahong yaon, maliban na lang sa mga kalapit-bayan nito. Sa paglalarawan ni Frederick Simpich ng National Geographic nang una siyang dumating sa Pilipinas noong 1899, bukod sa mga masasamang lagay ng kalsada (sa kalapit bayan ng Maynila) ay naglipana rin ang mga baboy, manok, aso, karitela, at mga pedestrian na naglalakad na animo’y parang tulog.

Mga Sasakyang Pantubig. Ang pagbibiyahe ng mga produktong nangagaling pa sa iba’t-ibang isla ng kapuluan ay ginagamitan naman ng iba’t-ibang klase ng sasakyang pandagat, tulad ng caracoas, pancos, galeras, at iba pa. Karamihan sa mga sasakyang ito ay nasa pagmamay-ari ng mga Filipino at mga Mestizos.

Noong panahong ring yaon, ang pantalan ng  Maynila ay walang gaanong pasilidad para  sa paghihimpilan ng malalaking mga sasakyang pandagat kaya marami sa kanila ang kailangang umangkla pa sa malalayong lugar. Upang maibiyahe ang mga kalakal patungong Maynila kinakailangan nilang upahan ang serbisyo ng mga cascos- mga katutubong sasakyang nagsisilbing lighter at tagapagdala ng mga kargamentong pangkalakal  mula sa mga barko patungong pantalan.


Sistema ng Timbangan at Sukatan

Maunlad na ang kalakalan sa Pilipinas ng dumating si Fernão de Magalhães noong 1521. Sa katunayan, namangha siya sa paggamit ng mga katutubo ng hustong timbangan at panukat.
Ang timbangan noon ay isang lanseta (o tabak) na nakasuspinde sa isang kordon. Sa isang dulo ng kordon ay isang maliit na korteng palanggana na sinusuportahan ng tatlong tali, at sa kabilang dulo naman ay ang panimbang .
Samantala, noong panahon ng Kastila, ang mga timbangan ay nakabatay na sa mga sumusunod: quintal, chinanta, cates, tael at demi-cate.Ang quintal ay katumbas ng animnapu’t anim(66) na kilo, o pitumpu’t dalawang (72) cates at labing-apat na onsa. Ang pickle (pike) ay kayumbas ng isang daang cates. Ang  ay isang cate ay binubuo ng labing-anim na taels, na ang bawat isa ay may katumbas na isa at 2/22 onsa.

Ang bigas at mais naman ay sinusukat sa pamamagitan ng caban, ganta (o salop), at chupa (o gatang). Ng isang caban o kabang bigas o mais ay katumbas ng 25 salup. Ang isang salup naman ay katumbas ng walong gatang.

Sa mga tindang isda at mga lamang-dagat, tatlong sistema ng sukatan ang umiiral: Una, ang pagtutuhog- na ginagawa sa mga isdang tulad ng tawilis, hasa-hasa, danggit, at sapsap; Pangalawa, ang pagkikilo – sa mga isdang tulad ng bangus, lapu-lapu, dalag, pusit, sugpo, at iba pa; at Pangatlo, ang pagtatakal- tulad ng sa mga tahong, talaba, tulya at halaan.
Ang mga gulay naman ay mabibili ng dose-dosena, pira-piraso at kung minsan ay kinikilo rin.
Ang mga karne ng baka at baboy ay ginagamitan naman ng timbangan. Ang mga manok ay nabibili naman ng buhay, ngunit ang halaga ng bawat isa ay depende sa uri nito.


Midyum ng Pagpapalitan ng Produkto


Ang piastre, na kilala sa tawag na piso ng mga Tagalog, ang siyang umiiral na salapi sa Pilipinas noong panahong yaon. Tulad sa Espanya, ang piastre ay nahahati sa reales: ang ½ real (saycavalo); 1 real (saycapat); 2 reales (cahati); 3 reales (tatlong bahagi); 4 reales (salapi0; 6 reales (may calavang cahati); 7 reales (may calavang talong bahagi) at 8 reales (piastre o piso).

Ayon kay MacMicking, dahil sa kakulungan sa sirkulasyon ng salapi sa bansa noong panahong yaon nagdulot ito ng kalituhan sa mga mamimili at pagsasamantala sa mga negosyante:

Nagpatuloy ang magulong sistema ng pananalapi sa bansa hanggang sa magtapos ang pananakop ng mga Kastila sa bansa noong 1898, sa paglalagda ng Tratado sa Paris na naglilipat ng pamamahala sa bansa sa mga Amerikano. Samantala, nagpalabas naman ng mga salaping papel ang Unang Republika ng Pilipinas sa mga nasasakupan nito bilang legal tender sa anumang transaksyon ngunit ito ay pinawalang bisa ng pamahalaang Estados Unidos ng ganap na nitong nakubkob ang bansa noong 1901. Sa taong ding yaon, pinaiiral ng pamahalaan ang bagong salapi ng Pilipinas, ang piso na may katumbas na US$0.50.

KONKLUSYON


Maraming mga pagbabagong naganap sa Maynila nang pumasok ang ika-19 na siglo. Una rito, ay ang pagbubukas ng bansa sa pandaigdigang kalakalan at dayuhang pamumuhunan. Pangalawa, ang pagpasok ng mga makabagong makinarya na lalong nagpalakas sa produksyon at nagpabilis sa pagbibiyahe ng mga kalakal mula sa lalawigan patungong Maynila. Nabigyan din ng pansin ang pamahalaan ang pagpapatupad ng mga bagong patakaran sa pagnenegosyo at pangangalaga sa mga gusaling pampamilihan sa Kamaynilaan.

Bagama’t maraming kapuri-puring masasabi tungkol sa mga patakaran ng mga Kastila noong ika-19 na siglo, marami pa ring mga suliranin ang nabigyan ng solusyon. Una rito ay ang magulong sistema ng pananalapi dahil sa kakulungan ng salaping umiiral sa panahong iyon. Pangalawa, halos nakontrol na ng mga mangangalakal na Tsino ang pamilihang tingi at lahatan (retail at wholesale market) sa Maynila na nagresulta sa pagbagsak ng mga negosyong pagmamay-ari ng mga Filipino